Tue, 10 Dec 2019

Ano ang pakinabang mo sa CUCPD'

Philippine Information Agency
20 Nov 2019, 04:38 GMT+10

Ano ba ang CUCPD? May pakinabang ka ba sa CUCPD?

Nitong Martes, sabayang inilunsad sa apat na distrito ng Metro Manila ang tinatawag na CUCPD o Capacitating Urban Communities for Peace and Development ng NCTRF ELCAC o ang National Capital Region Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa tulong ng DILG at mga lokal na pamahalaan ng Quezon City, Valenzuela, Mandaluyong City at Paranque City.

Sa hilagang bahagi ng Kamaynilaan o sa CAMANAVA area, ang CUCPD ay inilunsad sa Amphitheater ng Valenzuela City at dinaluhan ng mga sektor ng lipunan.

Paliwanag ni Sudi G. Valencia, City Director ng DILG-Navotas layon ng programang CUCPD na mas mapatatag pa ang pagtutulungan ng mga Pilipino laban sa iba't ibang elemento na nagbabantang sirain ang kaayusan at kapayapaan dito sa Kalakhang Maynila.

Para sa mga hindi nakababatid, ang Metro Manila ay itinuturing na isang "white area" dahil bagaman walang nagaganap na armadong digmaan sa lugar ay dito naman nanggagaling ang suporta para sa mga grupong kaaway ng kaayusan at kapayapaan sa bansa.

"Sa puntong ito, ay patatatagin ang mekanismo ng mabuting pamamahala para mas mabigyan ng pansin ang mga iba't ibang isyu ng mga sektor sa lipunan na nakakahadlang sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran," sabi ng opisyal.

Aniya, naka-angkla ang CUCPD sa sama-samang pagkilos ng bansa o tinatawag na "whole-of-nation approach" para mas maging maayos ang pagbibigay serbisyo sa ating mga mamamayan.

"Ang programang ito ay naglalayong ipagpatuloy ang usaping pangkapayapaan sa bawat tahanan, sa bawat komunidad, sa bawat barangay, at sa mga lungsod at munisipyo, gayundin sa mga tanggapan ng pamahalaan, sa mga institusyon at paaralan, at sa iba't ibang lugar sa ating pamayanan," ani Valencia.

"Ito ay naglalayon na mapalutang ang mga isyu ng lipunan kaya mahalaga po ang boses ng mga mamamayan at iba't ibang sektor ng lipunan para mabigyan ng karampatang solusyon ang mga isyu na nararamdaman natin sa mga komunidad natin," dagdag pa niya.

Aniya, pagtitibayin ng programang ito ang pakikilahok ng mga kabataan at mga mag-aaral sa usapin ng mabuting pamamahala at pagiging mabuting Pilipino; ang pagpapalakas ng mga liderato at institusyon ng ating mga local government units; ang pag-uugnay sa ating mga manggagawa at mga may-ari ng mga industriya; ang pagpapatatag sa pamilyang Pilipino; at ang reporma sa pampublikong sektor.

"Mahalaga rin po dito sa programang CUCPD ang pangmatagalang pagbabago at kaunlaran kung kaya naman bahagi ng programa ay ang mapagtibay ang mga barangay-based institutions natin. Kaya kasama rin po natin ang mga pinuno ng ating mga barangay," saad pa nito.

"At tutulungan ang mga barangay na makapag-plano base sa mga pangangailangan at matulungan sila ng ating ang mga local government units, at ng ating mga national government agencies, para sa tinatawag nating convergence of basic services and alliance-building," aniya.

Ayon kay Valencia, mahalaga sa programang ito na matuldukan ang mga isyu ng kahirapan; ang pagsasawalang-bahala o kawalan ng pakikialam; ang paghihikayat sa mga kabataan na maging kasapi sa armadong pakikibaka;

"Kaya bahagi po ng programa ang Serbisyo Caravan at Adopt-A-Barangay na naglalayon na mas maging abot-kamay ang mga programa ng pamahalaan sa mga komunidad at sa iba't ibang sektor ng lipunan," aniya.

"Dito po sa programang CUCPD, sinisiguro ng ating pamahalaan na lahat ay kasama sa usaping pangkapayapaan at kaunlaran at lahat po tayo ay inaanyayahang makibahagi sa mga programang naglalayon na maibigay ang karampatang serbisyo sa bawat Pilipino na kasama natin araw-araw sa ating mga komunidad," dagdag pa nito. (PIA NCR)

More United Kingdom News

Access More

Sign up for United Kingdom News

a daily newsletter full of things to discuss over drinks.and the great thing is that it's on the house!